Pages - Menu

Friday, October 10, 2014

Bagyo

Walo hanggang sampung beses binibisita ng bagyo ang bansang Pilipinas. Napakadalas, hindi ba? Ang probinsiya namin ay isa sa pinakamadalas na binabagyo. Napakarami ko rin karanasan sa bagyo noong nandoon pa ako, eh 17 years old na ko noong umalis ako sa amin eh. Iba ang bagyo sa Bicol sa bagyo rito sa Maynila. Damang-dama ang lakas at epekto ng bagyo doon, swabe lang dito sa Maynila. Pinaka-grabe na siguro yung Milenyo at Ondoy.

Noong bata ako, ilang beses nagiba at na-wash out ng baha ang bahay namin. Ilang beses kami lumikas at nakitulog sa ibang bahay. Makapagkwento nga ng iba't-ibang scenarios.

Takbo, Dali Takbo! (sa Makikitid na Pilapil)

Dahil sa dami nga ng bagyo hindi ko na matandaan ang mga pangalan. Isang beses, medyo late na namin napagtanto na kailangan namin lisanin ang barong-barong. Palakas ng palakas ng ulan at hangin. Na-alarma na mga magulang ko. Lima kaming magkakapatid yata ang magkakasama noon. Nagsisipagtrabaho na dito sa Maynila ang mga nakatatandang kapatid namin. Kaming mga estudyante na lang ang kasama nila Mama at Papa, at yung isang kuya ko pala. Nagpasya na kaming lumikas. Naibalot na ni Mama at ate ko yung mga gamit naman sa malalaking plastic. Nai-secure na ni Papa ang bahay namin, itinali ang mga haligi sa puno ng niyog gamit ang lubid na panali sa kalabaw. Nakahanda na rin kami, armado ng jacket, sombrero o kaya bonnet. "Dalian nato pagpakadto kara Papay Willy niyo, dapat kanina na atab pa palan kita naghali sa balay", sabi ng nanay ko. "Lando, ikaw na mag-alalay Nene". Ako ang tinutukoy niyang Nene.

Lakad takbo kami, pero maingat na nilakbay ang palayan, sa makikitid nitong pilapil. Pero pag minalas, nahuhulog pa rin sa mabababaw na kanal, sa putikan. "Malanit na an braso ko, makusugon na an uran", reklamo ko. Masakit talaga sa balat ang patak ng ulan na dinadala ng malakas na hangin.

Sa wakas narating na rin namin ang malaki at konkretong bahay ng may-ari ng lupang tinitirhan namin. Magdamag kaming nakitulog sa kanila kasama ang iba pang evacuees. Kahit medyo baha sa basement ng bahay nila okey naman, safe na safe naman kami. Binalikan ng Tatay ko at mga kuya ko ang bahay namin kinabukasan. Wala na, giba na ang bahay namin. Kailangan na naman ng pambili ng pawid o nipa, ng kahoy at iba pa para maitayo ulit ang maliit naming bahay. Ilang araw na naman kailangang kumayod ng Papa ko.

Kahit na ganon kami, paulit-ulit na itinutumba ng bagyo ang bahay at kabuhayan, nakakabangon naman. Lumaki naman kaming malulusog. Honor pupil pa rin naman ako pagdating ng pagtatapos ng school year, hehe.

Bahay namin (Upside Down)

Elementary pa lang ako noon. December 24, birthday ni Papa. Masama ang lagay ng panahon. Samaktuwid, may bagyo na naman. Maaga kaming natulog pagkatapos ng munting salu-salo bilang paggunita sa araw ng kapanganakan ng aming padre de pamilya. Ayan na ang ulan...Handa na naman ang nanay at tatay kong champion in disaster preparedness. Nakahanda na ang malaking blanket na bigay ng Tito Jun kong nagsa-Saudi noon. Malaki yung blanket, kasya kaming lahat. I mean lahat kaming kasalukuyang magkakasama noong gabing iyon. May something sa blanket na yun, hindi tumatagos ang tubig, naiipon lang sa laylayan habang nakatalukbong sa 'ming lahat. Tuloy-tuloy ang ulan, malakas at may kasamang hangin... Umuuga uga ang bahay. Nakatulog pa rin kami ng mga kapatid ko, pero hindi siguro ang mga magulang ko, maingat nila kaming binantayan.

Laking gulat namin nung mag-umaga na. Ang inuupuan pala namin ay bubungan na ng bahay. Paano nangyari. Ang namin na may silong, nabunot ang mga haligi! Bumaligtad!

Tulong-tulong ulit ang pamilya na maitayo ang bahay namin. Dahil sa bata pa nga ako, hindi ko namalayan, maayos na ulit ang bahay namin.


Itutuloy...



No comments:

Post a Comment