Pages - Menu

Monday, October 13, 2014

Bagyo (Ikalawang Bahagi)

Kagaya ng nasabi ko, may karugtong pa ang kwento ng bagyo.  Sa dalas ng bagyo dito sa Pilipinas, marami rin akong naipong ala-ala. Basahin niyo pa ang ilan sa kwento na nangyari sa aking bayang sinilangan.

Niyog (Maraming, maraming niyog)


Kinabukasan pagkatapos ng isang malakas na bagyo, marami kaming nakitang niyog na nakakalat sa daan habang pauwi kami sa aming bahay. Nagbagsakan ang mga niyog mula sa puno nito.  Pulot dito, pulot doon ang ginawa namin. "Puroton ta ini na lobe, kay sayang", saad ng Tatay ko habang nangunguna sa paglakad. 

Pagkababa ng mga gamit namin, nag-iikot kaming tatlong magkakapatid sa likuran at unahang bahagi ng lugar na kinatitirikan ng bahay namin na noong sira-sira ang bubong dahil nga sa bagyo. Dami namin napulot na niyog. Naipon namin yun, ga-burol ang tambak ng buko at niyog sa tabi na bahay namin. Month-long celebration din ng "ginataan festival" sa bahay namin. Ibig ko sabihin ay halos araw-araw niluto sa gata ang ulam namin, hehehe. Gawa-gawa ko lang po ang ginataan festival ha, wala po yatang ganyan dito sa Pilipinas. 

Kakulangan sa Malinis na Tubig

Isa sa problema namin noon ay ang kawalan ng pagkukunan ng malinis na tubig pagkatapos ng bagyo. Kapag mataas pa ang tubig sa ilog, di kami makatawid para maki-igib sa gripo sa kapitbahay. Isa sa alternative source namin ay tubig mula sa "sagurong" o falls di kalayuan sa bahay namin. Gamit ng mga kuya ko ang pakamang (isa siyang parang kariton na hinihila ng kalabaw), sama-sama kaming tatlo (dalawang kuya ko at ako) patungo doon sa "sagurong". Pila ang mga tao na mag-iigib. Malinis naman ang tubig, pero para makasiguro, pinapakuluan namin ang  para sa inumin. 

Maulang Pagtatapos ng Batch 1994

March 1994, ala-kwatro ng hapon, nasa pila na kaming mga magsisipagtapos sa haiskul. Kasama ko ang nanay ko, naka-payong kami habang nasa pila. Masama ang lagay ng panahon e. Iyon pala may paparating na namang bagyo. Halos summer na, may bagyo pa! Sa open field lang ang graduation namin, may stage pero walang bubong ang sa audience.  Kawawa kami kapag lumakas ang ulan. Di naman na pwede lumipat ng venue, walang available na malapit sa compound ng eskwelehan.

Tumugtog na ang processional march... Lakad na kami. At nang biglang bumuhos ang napakalakas na ulan. Biglang nag-announce ang emcee. "Ipopostpone na po natin ang graduation, sobrang lakas na ng ulan. Balik tayo sa Sabado, alas-tres ng hapon". 

Pag-uwi namin, grabeee.... Taas na ng tubig sa ilog. Hinayang na hinayang ang mga kapatid ko na umuwi pa galing dito sa Maynila para saksihan ng pagtatapos ng bunso nilang kapatid. Sa taas ng tubig, pinasan na ako ng kuya ko noong tumawid kami. 

Ayos, the most memorable high school graduation ever! Tinamad na ako bumalik. Katwiran ko sa pamilya ko,  "Ayos na po ako, nakapag-papicture na kami ni Mama. May remembrance na".

_____

Bagyo sa Maynila

Dinadalaw rin ng malalakas na bagyo ang Metro Manila. Ang pinaka-natatandaan ko ang ang Milenyo at Ondoy. Nangyari ang Milenyo noong Setyembre 25, 2006. Limang buwang sanggol pa lang noon ang panganay kong anak. Kung sa probinsya ang kinatatakutan namin ay ang pagbagsak ng mga puno, dito naman ay ang paglipad ng mga yero. 

Matindi ang hanging dala ni Milenyo. Pakiramdam ko noon, mawawasak ang sliding window namin. Pasalamat na rin ako at nakapagpundar kami ng maayos at matibay na bahay. Hindi mangangamba na baka magiba o wash-out. Di rin kailangan mag-evacuate. 

Kinabukasan noon, sunod-sunod na ang balita na naghambalang sa daan ang mga nawasak at bumagsak na billboards, at mga nabuwal na puno. 

Matindi rin ang Ondoy. Maraming apektado, maraming nawalan ng tirahan at ikinabubuhay at ang masaklap pa, nawalan ng mahal sa buhay. Isa kami sa naapektuhan ng Ondoy. Magdamag noong Setyembre 25, 2009 (Biyernes) at buong araw ng Sabado, Setyembre 26 ay walang tigil ang ulan. Ulan na malalaking patak. 

Naka-enroll ako noon sa masteral. Gising ako hanggang 3 ang umaga para sa sangkaterbang reaction papers para sa isang subject ko. Dinig na dinig ko ang patak ng ulan sa bubong namin.  May mga lugar na sa kabahayan ang basa na. Natapos ko ang paper ko mga bandang 9:00 ng umaga. Naka-ready na sana akong pumasok. Balak ko sana makipagsapalaran sa baha, para lang marating ang UP Diliman, makadalo sa klase at maipasa ang reaction paper ko. Nakatanggap ako ng text message sa isang kaklase na di na sya makakapasok, wala na madaanan ang mga sasakyan. Nagpasya na rin ako na huwag pumasok. 

Bahang-baha sa Kalentong noon. Baha sa tapat ng bahay namin. Pumasok ang tubig sa bahay namin. Buti na lang may 2nd at 3rd floor ang maliit  naming bahay. 

Nakakaawa ang mga taong naapektuhan ng husto, kabilang na ang mga nakatira sa bandang San Mateo, Rizal at Marikina. 

Milenyo at Ondoy... ilan sa mga natatandaan kong malalakas na bagyong nanalasa sa Kamaynilaan.

_____

Bagyo ng Buhay

Bilang isang probinsyana, mahirap makipagsapalaran dito sa Maynila.  Maraming pagsubok, maraming bagyo akong pinagdaanan.  Napadpad ako sa Makati, taong 1994, 17 taong gulang ako noon. Bata pa, halos walang muwang. Saglit akong nagtrabaho bilang assistant sa isang tindahan ng imported wines at kung ano ano pa. 

Nang mabalitaan ng isang kamag-anak namin na nagtatrabaho ako doon, ipinasundo nya ako. Sa kanila ako tumira. Doon na nagsimula ang mahaba at makulay kung kwento na ibabahagi ko sa inyo sa mga susunod na pagkakataon. 

Mahirap mag-aral ng kulang sa budget di ba? Sunod-sunod ang problema ko noon. Third year college ako.   Halos panawan na ako ng pag-asa. May sakit si Papa, gusto ko umuwi, walang pera.  Daming school projects, di ko matapos-tapos, walang pera...Sabi ko ayoko na... uwi na lang ako sa amin. Hihinto na ako. Pero kinokontra ng isip ko, sayang... sayang, isang taon  na lang, makakaraos na. Dagdag pa nun ang tampuhan namin ng Tita ko.

Sa sobrang depression ko, mahigit isang linggo akong nagkulong sa kwarto. Halos di ako lumalabas, di rin nagsasalita.  Halos di rin kumakain. Iyak lang ako ng iyak at madalas tulala. 

Hanggang sa kinausap ako ng Tito ko (asawa ni Auntie), sa kanya ko inihinga ang problema ko. Pinalakas nya ang loob ko.  Buti na lang natauhan ako, kasi kung hindi... dalawang bagay lang ang nangyari. Umuwi ako ng probinsya ng hindi nakatapos ng pag-aaral o di kaya'y na-mental hospital sa tindi ng depression na pinagdaanan. 


Iba't ibang uri ng bagyo, sari-saring kwento. Iyan ang mga bagyong dumaan sa buhay ko. 






No comments:

Post a Comment