Pages - Menu

Tuesday, March 10, 2015

Working Student

Mahirap bang maging “working student”?

Ang sagot ko diyan, depende sa sitwasyon.  May mga panahon mahirap pero kapag naisip na ang magiging bunga ng paghihirap, tila nagiging madali ang lahat. Sang-ayon ba kayo?

Pagkatapos ko magpahinga ng isang taon, este magtrabaho pala, nag-enroll na ako sa kolehiyo sa Pamantasan ng Makati (University of Makati na ngayon).  Gustuhin ko man mag-aral sa mga kilalang paaralan, di ko nagawa dahil, una, malayo sa bahay na tinutuluyan ko, pangalawa, takot pa akong mag-biyahe mag-isa nung mga panahon na ‘yon.

Malaking tulong yung magaganda o matataas na markang nakuha ko nung Fourth Year. Ang high school report card ko ang nagsilbing sandata ko para makapag-aral ng libre.

Payo ng mga Kaibigan

Naalala ko ang usapan naming ng mga boarders ng Tita ko habang tinitingnan nila ang card ko. Mga CPA sila na nagtatrabaho sa mga sikat na kompanya sa Makati.

J: Wow, Weng, ang tataas naman ng grades mo!
W: Mababait lang siguro at galante sa grades yung mga teachers namin hehe. Sabi kasi nila kailangan namin yun para makapasok sa mga magagandang kolehiyo o pamantasan. 
D: Pwedeng-pwede ka kumuha ng engineering courses.
W: Ayoko, di ako magaling mag Drawing.
J: Accountancy na lang.
F: Oo, mas madali ka pa makakakuha ng trabaho. Ano ba kasi talaga ang plano mong kunin?
W: Ayoko ng Accountancy. Mahirap yata mag-compute, mahina ako sa Math.  Journalism sana kaya lang wala naman nun sa Pamantasan ng Makati.
J: Simpleng Math lang ang kailangan sa Accountancy pero kung hilig mo talaga magsulat, journalism or mass communication nga ang bagay sa’yo.

Maraming salamat sa Tita ko at sa kaibigan nya na tumulong sa akin para makapasok ako bilang scholar ng isang foundation sa Makati. Libre ang tuition ko sa loob ng apat na taon.  BS Information Technology ang naging course ko.

Kasambahay na, Tindera pa

Yaya, labandera, tutor, at tindera. Ilan lang ‘yan sa mga roles ko sa bahay ng Tita ko. Sa kanya ako natuto magluto, magtimpla ng fresh fruit shake na tinda nila sa iba’t ibang school canteen noon. Natuto rin ako gumawa ng empanada at iba pang pang-merienda.

Pag may assignment o project ang mga pinsan ko, tinuturuan ko rin sila.

Ganito ang routine ko noon.
Sa umaga, naghahanda ng mga paninda. Punta sa school para magtinda. Fruit shake ang tinda namin. Usong-uso nun ang fruit shake eh. Bago pa mag-boom ang Zagu at iba pa.
Bandang 11 ng umaga o 12 ng tanghali, sarado muna ang canteen. Pagkatapos ‘yung ng recess ng pang-umaga.
Pagka-uwi ng bahay, magbibihis na ako papunta ng school. o kya minsan baon ko na sa canteen ang uniporme ko. May kapalit na ako sa canteen para naman sa pang-hapon na recess.
Hanggang 6pm ang pasok ko.
Masaya naman ang naging experience ko kahit na nakakapagod.  Minsan umiiyak na lang ako. Pinapalakas ko na lang ang loob ko. Salamat ulit sa Tita ko at sa sariling pamilya ko pati mga kaibigan sa mga words of wisdom na nakapag-motivate sa akin.
  
Ngayon… ako na si “Auntie”
Kung noon ako ‘yung nakikitira sa Auntie ko para makapag-aral, ngayon, ako naman ang tumutulong sa pamangkin ko para makapagtapos sya ng pag-aaral.
Single mom ang Ate ko, apat ang anak nya.
Working mom ako, dalawa ang anak ko.
Pareho naming kailangan ng tulong.
Siya - kailangan ng tulong para maitaguyod ang pag-aaral ng mga anak niya.
Ako – kailangan ng katulong para magbantay sa mga anak ko habang nasa trabaho ako at ang asawa kong OFW.

Nagkasundo kaming magtulungan. Kinuha ko ang panganay niyang anak at tinutulungan ko na makapag-aral. Nasa unang antas sya sa kolehiyo.
……

Walang trabahong mahirap sa taong nagsusumikap. Gaanong hirap man ang pinagdaanan, balewala ‘yon sa taong gustong magtagumpay.  Noong magtapos ako sa kolehiyo, walang pagsidlan ang kaligayahan ko. Noong magka-trabaho ako, mas lalo akong naging masaya. Ang sarap namnamin ang tagumpay kung ito ay pinaghirapan. 

-RSZ

Wednesday, February 4, 2015

Isang Patalastas

Lahat ng nakasulat sa blog na ito ay isinalin ko na sa MS Word format at binilang ko kung ilan na ang kwentong naibahagi ko sa inyo. Biruin mo 'yun, naka-sampung kwento na pala ako. Para sa kagaya kong nag-uumpisa pa lang sa pagsulat ng Wikang Filipino, isang accomplishment na 'yun para sa sarili ko. Nakakatuwa, nakakataba  ng puso.  "I am so proud of myself", hahaha. 

Sa pagkakataong ito, bibitinin ko muna kayo. Hindi muna ako magkukwento, sa kadahilanang dalawang linggo na nasa draft folder ang kwento ko hahaha. Hindi... may gusto kasi akong ibalita sa inyo pero saka ko na sasabihin. Medyo magulo yata ang pangungusap na yan. hehe. Basta,  may mas malaking plano ako para sa blog na ito. Kaya, sana patuloy nyo pa ring abangan ang mga kwento ko...

Maraming salamat! :) 


Monday, January 12, 2015

Bagong Taon sa Bicolandia, Pagkatapos ng Dalawang Dekada

Dalawang dekada na akong hindi nakapagdiwang ng Bagong Taon sa bayan namin. Sa wakas, natuloy din ang pinapangarap kong bakasyon. Bagama't simple lang naman ang salu-salong inaasam, wala ng mas sasaya pa sa okasyong kasama ko ang aking pamilya, lalo na si Mama. 

Ika-27 ng Disyembre, 2014, bago mag alas dose ng tanghali, pumunta na kami sa Cubao Bus Terminal.  Kasama ko ang dalawa kong anak at isang pamangkin.  Wala kaming reservation. Ang tantiya ko noon ay bandang alas-kwatro ng hapon pa kami makakasakay.  Swerte namin! Pagdating na pagdating namin sa terminal, iniwan ko muna sila sa isang bahagi roon. Sari-saring bilin, ingatan ang bagahe, at lalo na ang dalawang bata, baka magsitakbo at maligaw pa sa loob ng terminal.  Narinig ko kaagad ang isang lalake, sumisigaw ng "Bulan, Bulan! Biyaheng Bulan, aalis ng 12:30". (biyahe papuntang Bulan, Sorsogon ang tinutukoy nya, dun kami sumasakay).  Nilapitan ko agad 'yung lalake, at tinanong kung may bakante pang upuan, tatlong magkakatabi. Meron daw. Swerte! Di ako nahirapan maghanap ng bus at makipag-tawaran sa pamasahe.  750 pesos bawat isa ang pamasahe namin.  Seats number 13-15 kami. Magandang pwesto, bandang gitna lang, komportable kami sa mga sumunod na  mahigit 14 oras. 12:30pm kami umalis, 3am kami dumating sa Irosin. 

Hindi maganda ang panahon noon, madalas umuulan. Bumaha pa nga eh at nasira pa ang daan patungo sa Sitio namin. Pinagtulung-tulungan lang ng mga taga-roon na maisaayos kahit papano yung daan. Kinapos pa sa sand bags, kaya tao at single na motor lang ang pwede. Hindi makadiretso ang tricycle papunta sa amin. 




Masarap sa pakiramdam ang makita silang ganito. Tulong-tulong, Bayanihan! 

Gumanda naman ang panahon. Makulimlim pa rin pero at least di na umuulan. Nakakita pa ng rainbow ang mga anak ko, for the first time. 


wala sa picture si bunso, bagong gising kasi. wala pa sa mood magpa-picture. 

Simple salo-salo lang ang inihanda namin. Spaghetti, Tinapay, Menudo, Macaroni Salad, Graham Cake, at Orange Juice. Tawanan, kulitan, kamustahan, siesta sa tanghali. Nakilala ko pa at nakunan ng maraming pictures ang kambal kong pamangkin na ubod ng ka-cute-tan. Meron naman isang nagpamalas ng galing sa pagsayaw, mana sa Tatay nyang hari ng dance floor (baraylehan ang tawag sa dialect namin) noong kabataan nya, hahaha. 

Sulit na sulit ang sampung araw namin sa probinsya. Simple ang buhay, malayo sa kumplikadong buhay dito sa siyudad. Kaya nga di na ako magtataka kung bakit ayaw ni Mama na sa amin na tumira. Bahay ko raw kami, puro hagdan, wala pang farm... Biro nga ng asawa ko sa kanya, "Pwede naman magtanim sa gilid ng kalsada, pwede rin sa paso". :)