Pages - Menu

Thursday, August 31, 2017

Ang Pagbabalik

Mahigit dalawang taon ko pala hindi nabisita ang blog ko na ito.  Maraming dahilan bakit halos napabayaan ko ang Talaang-Buhay.  Ngayon ay balak ko ituloy ang mga naudlot na kwento. Sana maipagpatuloy ko at maging mas madalas ang pagsusulat nang sa gayon ay unti-unti na rin mabuo ang plano kong libro.  

Hindi ko tiyak kung may nagbabasa pa rin nito, pero sisikapin ko na mabuhay ulit ang blog. Hayaan nyo muna ako mag-isip ng paraan at magbalik-tanaw para may maibahagi akong mas marami pang kwento sa inyo.

Maraming salamat po.


RSZ

Tuesday, March 10, 2015

Working Student

Mahirap bang maging “working student”?

Ang sagot ko diyan, depende sa sitwasyon.  May mga panahon mahirap pero kapag naisip na ang magiging bunga ng paghihirap, tila nagiging madali ang lahat. Sang-ayon ba kayo?

Pagkatapos ko magpahinga ng isang taon, este magtrabaho pala, nag-enroll na ako sa kolehiyo sa Pamantasan ng Makati (University of Makati na ngayon).  Gustuhin ko man mag-aral sa mga kilalang paaralan, di ko nagawa dahil, una, malayo sa bahay na tinutuluyan ko, pangalawa, takot pa akong mag-biyahe mag-isa nung mga panahon na ‘yon.

Malaking tulong yung magaganda o matataas na markang nakuha ko nung Fourth Year. Ang high school report card ko ang nagsilbing sandata ko para makapag-aral ng libre.

Payo ng mga Kaibigan

Naalala ko ang usapan naming ng mga boarders ng Tita ko habang tinitingnan nila ang card ko. Mga CPA sila na nagtatrabaho sa mga sikat na kompanya sa Makati.

J: Wow, Weng, ang tataas naman ng grades mo!
W: Mababait lang siguro at galante sa grades yung mga teachers namin hehe. Sabi kasi nila kailangan namin yun para makapasok sa mga magagandang kolehiyo o pamantasan. 
D: Pwedeng-pwede ka kumuha ng engineering courses.
W: Ayoko, di ako magaling mag Drawing.
J: Accountancy na lang.
F: Oo, mas madali ka pa makakakuha ng trabaho. Ano ba kasi talaga ang plano mong kunin?
W: Ayoko ng Accountancy. Mahirap yata mag-compute, mahina ako sa Math.  Journalism sana kaya lang wala naman nun sa Pamantasan ng Makati.
J: Simpleng Math lang ang kailangan sa Accountancy pero kung hilig mo talaga magsulat, journalism or mass communication nga ang bagay sa’yo.

Maraming salamat sa Tita ko at sa kaibigan nya na tumulong sa akin para makapasok ako bilang scholar ng isang foundation sa Makati. Libre ang tuition ko sa loob ng apat na taon.  BS Information Technology ang naging course ko.

Kasambahay na, Tindera pa

Yaya, labandera, tutor, at tindera. Ilan lang ‘yan sa mga roles ko sa bahay ng Tita ko. Sa kanya ako natuto magluto, magtimpla ng fresh fruit shake na tinda nila sa iba’t ibang school canteen noon. Natuto rin ako gumawa ng empanada at iba pang pang-merienda.

Pag may assignment o project ang mga pinsan ko, tinuturuan ko rin sila.

Ganito ang routine ko noon.
Sa umaga, naghahanda ng mga paninda. Punta sa school para magtinda. Fruit shake ang tinda namin. Usong-uso nun ang fruit shake eh. Bago pa mag-boom ang Zagu at iba pa.
Bandang 11 ng umaga o 12 ng tanghali, sarado muna ang canteen. Pagkatapos ‘yung ng recess ng pang-umaga.
Pagka-uwi ng bahay, magbibihis na ako papunta ng school. o kya minsan baon ko na sa canteen ang uniporme ko. May kapalit na ako sa canteen para naman sa pang-hapon na recess.
Hanggang 6pm ang pasok ko.
Masaya naman ang naging experience ko kahit na nakakapagod.  Minsan umiiyak na lang ako. Pinapalakas ko na lang ang loob ko. Salamat ulit sa Tita ko at sa sariling pamilya ko pati mga kaibigan sa mga words of wisdom na nakapag-motivate sa akin.
  
Ngayon… ako na si “Auntie”
Kung noon ako ‘yung nakikitira sa Auntie ko para makapag-aral, ngayon, ako naman ang tumutulong sa pamangkin ko para makapagtapos sya ng pag-aaral.
Single mom ang Ate ko, apat ang anak nya.
Working mom ako, dalawa ang anak ko.
Pareho naming kailangan ng tulong.
Siya - kailangan ng tulong para maitaguyod ang pag-aaral ng mga anak niya.
Ako – kailangan ng katulong para magbantay sa mga anak ko habang nasa trabaho ako at ang asawa kong OFW.

Nagkasundo kaming magtulungan. Kinuha ko ang panganay niyang anak at tinutulungan ko na makapag-aral. Nasa unang antas sya sa kolehiyo.
……

Walang trabahong mahirap sa taong nagsusumikap. Gaanong hirap man ang pinagdaanan, balewala ‘yon sa taong gustong magtagumpay.  Noong magtapos ako sa kolehiyo, walang pagsidlan ang kaligayahan ko. Noong magka-trabaho ako, mas lalo akong naging masaya. Ang sarap namnamin ang tagumpay kung ito ay pinaghirapan. 

-RSZ

Wednesday, February 4, 2015

Isang Patalastas

Lahat ng nakasulat sa blog na ito ay isinalin ko na sa MS Word format at binilang ko kung ilan na ang kwentong naibahagi ko sa inyo. Biruin mo 'yun, naka-sampung kwento na pala ako. Para sa kagaya kong nag-uumpisa pa lang sa pagsulat ng Wikang Filipino, isang accomplishment na 'yun para sa sarili ko. Nakakatuwa, nakakataba  ng puso.  "I am so proud of myself", hahaha. 

Sa pagkakataong ito, bibitinin ko muna kayo. Hindi muna ako magkukwento, sa kadahilanang dalawang linggo na nasa draft folder ang kwento ko hahaha. Hindi... may gusto kasi akong ibalita sa inyo pero saka ko na sasabihin. Medyo magulo yata ang pangungusap na yan. hehe. Basta,  may mas malaking plano ako para sa blog na ito. Kaya, sana patuloy nyo pa ring abangan ang mga kwento ko...

Maraming salamat! :) 


Monday, January 12, 2015

Bagong Taon sa Bicolandia, Pagkatapos ng Dalawang Dekada

Dalawang dekada na akong hindi nakapagdiwang ng Bagong Taon sa bayan namin. Sa wakas, natuloy din ang pinapangarap kong bakasyon. Bagama't simple lang naman ang salu-salong inaasam, wala ng mas sasaya pa sa okasyong kasama ko ang aking pamilya, lalo na si Mama. 

Ika-27 ng Disyembre, 2014, bago mag alas dose ng tanghali, pumunta na kami sa Cubao Bus Terminal.  Kasama ko ang dalawa kong anak at isang pamangkin.  Wala kaming reservation. Ang tantiya ko noon ay bandang alas-kwatro ng hapon pa kami makakasakay.  Swerte namin! Pagdating na pagdating namin sa terminal, iniwan ko muna sila sa isang bahagi roon. Sari-saring bilin, ingatan ang bagahe, at lalo na ang dalawang bata, baka magsitakbo at maligaw pa sa loob ng terminal.  Narinig ko kaagad ang isang lalake, sumisigaw ng "Bulan, Bulan! Biyaheng Bulan, aalis ng 12:30". (biyahe papuntang Bulan, Sorsogon ang tinutukoy nya, dun kami sumasakay).  Nilapitan ko agad 'yung lalake, at tinanong kung may bakante pang upuan, tatlong magkakatabi. Meron daw. Swerte! Di ako nahirapan maghanap ng bus at makipag-tawaran sa pamasahe.  750 pesos bawat isa ang pamasahe namin.  Seats number 13-15 kami. Magandang pwesto, bandang gitna lang, komportable kami sa mga sumunod na  mahigit 14 oras. 12:30pm kami umalis, 3am kami dumating sa Irosin. 

Hindi maganda ang panahon noon, madalas umuulan. Bumaha pa nga eh at nasira pa ang daan patungo sa Sitio namin. Pinagtulung-tulungan lang ng mga taga-roon na maisaayos kahit papano yung daan. Kinapos pa sa sand bags, kaya tao at single na motor lang ang pwede. Hindi makadiretso ang tricycle papunta sa amin. 




Masarap sa pakiramdam ang makita silang ganito. Tulong-tulong, Bayanihan! 

Gumanda naman ang panahon. Makulimlim pa rin pero at least di na umuulan. Nakakita pa ng rainbow ang mga anak ko, for the first time. 


wala sa picture si bunso, bagong gising kasi. wala pa sa mood magpa-picture. 

Simple salo-salo lang ang inihanda namin. Spaghetti, Tinapay, Menudo, Macaroni Salad, Graham Cake, at Orange Juice. Tawanan, kulitan, kamustahan, siesta sa tanghali. Nakilala ko pa at nakunan ng maraming pictures ang kambal kong pamangkin na ubod ng ka-cute-tan. Meron naman isang nagpamalas ng galing sa pagsayaw, mana sa Tatay nyang hari ng dance floor (baraylehan ang tawag sa dialect namin) noong kabataan nya, hahaha. 

Sulit na sulit ang sampung araw namin sa probinsya. Simple ang buhay, malayo sa kumplikadong buhay dito sa siyudad. Kaya nga di na ako magtataka kung bakit ayaw ni Mama na sa amin na tumira. Bahay ko raw kami, puro hagdan, wala pang farm... Biro nga ng asawa ko sa kanya, "Pwede naman magtanim sa gilid ng kalsada, pwede rin sa paso". :)


Friday, November 14, 2014

Biglaang Pag-alis sa Bayang Sinilangan

Agosto ng taong 1994, nagkaroon ng matinding pagsubok sa buhay namin. Nagkaproblema ang isang kapatid ko at kinailangan muna siyang ilayo sa kanyang mga barkada. Nagpasya ang mga magulang ko na ihatid siya sa San Pedro, Laguna kung saan nakatira ang mga tiyahin ko. Doon rin nagtatrabaho ang panganay naming kapatid. 

Nakahanda na sila Mama at Papa at ang kuya ko. Naka-schedule na ang araw at oras ng alis nila. Maiiwan kami ng ate ko at ang baby na na nooy' isang taon gulang pa lang yata. Ngunit may isa pang silang problema, delikado daw sa amin lalo na sa gabi... 

"Nano daw kun iupod ta na lang si Nene?" (Isama na lang kaya natin si Nene?) Iyan ang tanong ni Mama kay Papa. At ganun na nga ang nangyari. Biglaan, wala sa orihinal na plano. Isinama nila ako. 

Ilang araw mula nung maiayos ang mga kailangan, sabay-sabay na kaming apat na umalis tungo sa Alabang sakay ng Philtranco bus. Mula sa Alabang ang sinundo na kami ng mga kamag-anak namin at pumunta sa bahay ng tita ko sa San Pedro (Laguna). 

Natigil sa pag-aaral ang kuya ko. Sayang 4th year high school na sana sya nun. Bagama't nahuli na sa akin ng isang taon, ga-graduate na sana. 

Ilang linggo din kami namalagi sa Laguna at dumalaw din sa ibang kamag-anak na nakakalat sa Metro Manila at Cavite. Hanggang sa isang araw, niyaya ako ng kapitbahay namin sa Bicol na magtrabaho sa pinapasukan nyang tindahan ng imported na mga alak sa Makati. 17 years old lang ako nun. Napapayag naman niya sina Mama at mga kapatid ko. 

Stay-in kami sa bahay ng amo namin sa Zapote St., Makati at ang tindahan naman ay walking distance lang mula sa tinutuluyan namin. Hindi naman ako nagtagal dun. Di ko nga maalala kung nabayaran ba ng maayos ang sweldo ko dun. Pinangakuan sana ako ng pag-aaralin ng kapatid ng boss namin pero di pumayag ang magulang ko. Baka alipinin daw ako. 

Bago ako umalis sa trabahong iyon, natunton kami ng mga kapitbahay namin na dun lang pala nakatira malapit sa tindahan. Napadalas ang pagdalaw nila. Kwentuhan, kumustahan at kung minsan nanonood sila ng sine. Syempre di ako pwede sumama, mawawalan ng bantay sa tindahan. Isang araw, kasama nila yung kamag-anak namin na nakatira sa bahay ng pinsan ni Papa. Ipinaalam nya dun sa Tita ko na nagtatrabaho ako dun at gusto ko raw mag-aral ng kolehiyo. Malakas ang fruit shake business ng Tita nung mga panahon iyon. Bago pa sumikat ang Zagu, marami na silang tindahan ng shake - sa mga elementary school sa Makati. Hindi ko na matandaan kung ilang beses ako sinuyo nung kamag-anak namin na sumama na sa kanya. Makakasama ko nga raw sya na magbabantay ng canteen. Hanggang sa isang araw sinundo na nya ako at isinama na kina Auntie. 

Gabi nya ako sinundo nun. pagkatapos ko magpaalam ng maayos sa boss ko. "Magayun-gayon ngay-an ini na puto ni Manoy Arnol", bungad ng Tita ko pagdating namin. Maganda daw ako, ang bunsong anak ni Kuya Arnol or Nolding hehehe. 

Doon na nagsimula ang mahigit sampung taong pamamalagi ko kina Auntie. October 1994 ako dumating at August 2005 naman umalis, ilang araw pagkatapos ng kasal ko. Sa tulong nila, nakapasok ako sa University of Makati bilang scholar. Gusto ko sana sa PUP, BS Journalism ang course. Ngunit kagaya ng nakagawian, may mga kontrabida hihihi. Sabi ng pinsan kong propesor, mahirap ang journalism. Wala kang kita hanggat walang dyaryong tumatanggap sayo bilang taga-sulat ng balita. Tanong ko lang Ganun ba talaga yun, mga peepz? Computer Science daw ang in demand, so yun na lang ang kunin ko. Sabi naman ng Nanay ko delikado dyan anak, tapos tatawid ka pa ikamo ng Ilog Pasig. Oo nga naman, di pa ba ako nagsawa sa kakatawid sa ilog eh , quotang-quota na ako dun nung nasa Irosin pa ako. hahaha. O sya sige. panalo na kayo, di na lang sa PUP. Nag-volunteer itong si propesor kong pinsan na samahan akong mag-exam for scholarship dun sa kolehiyong tinuturuan nya sa San Pedro. Nag-exam ako, pumasa ngunit di pa rin ako nakuntento. Pangarap ko kasi dito sa Maynila mag-aral. Pinalad naman akong pumasa sa University of Makati bilang iskolar at ComSci nga ang course.... Sabi pa pala ng mga boarders ni Auntie na mga accountant sa SGV noon, mag Accountancy na lang ako... Kaso walang ganun course sa UMak. Saka sabi ko mahina ako sa Math, pero sabi nila hindi daw kumplikado ang Math sa Accountancy. Totoo nga! Di hamak na mas matindi ang Math subjects ng CompSci. Nose-bleed ako nun, sobra. Sana nag-Engineering na lang ako. Hindi bale na nga, pinagtiyagaan ko na lang. Naitawid ko naman, naka-graduate naman. 

Sa hirap maghanap ng trabaho dito sa atin, isang taon munang akong bum. Paraket-raket, habang naghihintay ng resulta sa mga pinag-applyan. Naranasan ko pang magtutor sa mga Koreanong nag-aaral ng tamang pangsasalita ng English. Pero kulang ako sa tiyaga sa pagtuturo, kaya di rin ako tumagal. 

Nasa kasagsagan ako ng paghahanap ng trabaho. For medical exam na ako sa SGV for a Project-based job nang makatanggap ako ng nakapalungkot na balita. March 13, 2000, mag-aalas siyete ng umaga, nakatanggang ako ng long distance mula sa amin. Tumawag ang Ate ko, wala na raw si Papa...Kinabukasan nun ay schedule ng medical exam ko na requirement sa SGV. Sa halip na hospital, sa terminal ng bus sa Cubao ako pumunta. Mahigit isang buwan ako namalagi sa amin.

Sari-saring kwento, magkakahalong emosyon ang narinig at naramdaman ko. "Makita ko lang ang bunso kong babae, kahit mawala na ako". Iyan daw ang bukambibig ni Papa nung may sakit na sya. Sa picture nya lang ako nakikita nung mga panahon na iyon. Anim na taon kami hindi nagkita at nung makita ko'y huli na, di na makakausap at mayayakap pa. Huling pagkikita na pala namin yung paghatid nila ni Mama sa amin ng kuya ko sa Laguna. Huling bonding na pala namin namin yung pagdalaw sa mga kamag-anak lalo na sa Ate Neneng ko. Naalala ko pa kung pano namin sya pagalitan nung nanigarilyo sya sa loob ng aircon bus.

July 2000 ako nag-umpisa sa totoong trabaho na siya pa ring trabaho ko hanggang sa kasalukuyan. 






Tuesday, October 28, 2014

One Moment in Time

I want one moment in time
When I'm more than I thought I could be
When all of my dreams are a heartbeat away
And the answers are all up to me
Give me one moment in time
When I'm racing with destiny
Then in that one moment of time
I will feel
I will feel eternity  

Tandang-tanda ko pa ang mga linyang iyan sa kantang One Moment in Time ni Whitney Houston. Inawit 'yan ng guest speaker noong graduation rights namin noong elementary. Iniugnay nya sa awit na yan ang paksa ng aming programa. Oo nga naman!, matagumpay naming natapos ang anim na taon sa elementarya, na maituturing na unang hagdan ng edukasyon (ngayon yata pre-school or pre-elementary muna, required na kasi lalo na ngayong may K-12 na). Totoong maraming mga tagumpay at pagsubok ang mararanasan ngunit nakasalalay sa bawat isa ang katuparan ng kanyang pangarap... Edukasyon at ang pagpupunyagi sa pag-aaral ang daan upang maging matagumpay sa buhay. 

Masaya 'yung graduation namin noong elementary, mas memorable compared sa high school at college. Malinaw pa sa ala-ala ko ang mga naging bahagi ng program. My Love Will See Through ni Marco Sison ang graduation song namin. Nagkaroon ng kaunting salo-salo pagkatapos ng programa. Mapalad akong nakasama sa Top 10 ng graduates. At dahil diyan, nagluto at nagdala ng specialty nyang 'laing" ang Nanay ko. Hindi pa tapos ang kainan sa school, umalis na kami upang pumunta sa another kainan sa bahay ng valedictorian namin. Bukod sa blow-out nya, iyon na rin kasi ang despidida party nya dahil dito sa Maynila na sya nagpatuloy ng pag-aaral. 

Dahil mulat ako sa kahirapan ng buhay, hindi ko kinalimutan ang speech na iyon ng aming guest speaker, kung di ako nagkakamali eh Division Superintendent namin sya noon. Nagtiyaga akong makatapos ng high school hanggang kolehiyo at nag-attempt din kumuha ng graduate course pero di ko pa tapos hanggang ngayon, hehehe. Sabi ko kasi sa sarili ko, kung di man nakatapos ang ilan sa mga kapatid ko, sisikapin kong makapag-aral para kahit papano ay makatulong sa kanila. Hindi naman ako nabigo sa aking hangarin. Nagtagumpay naman ako. 

Hindi ako nagpatalo sa mga pagsubok. Kahit sa mahabang  panahon noong nasa kolehiyo ako, ang pakiramdam ko'y wari pinabayaan ako ng mga mahal ko sa buhay. Na mag-isa ako...Maraming salamat sa magulang ko na dahil pinaramdam nila na mahal nila ako at proud sila sa akin, sa mga kapatid ko na tumulong sa akin at sa lahat ng tao na naging bahagi ng makulay kong buhay. 


Friday, October 24, 2014

Kaisa-isang Larawan

Hindi ba't naikuwento ko na madalas kaming bisitahin ng bagyo? Madalas rin masira ang bahay namin at kasamang nasisira ang mga larawang nakalagay sa old school na baul namin noon. Kasama roon ang mga larawan ko noong bata pa ako. 

Dalawa na lang ang natitira - yung naitabi ng Ate Neneng ko taga-Novaliches na ngayon. Ibinigay nya sa 'kin ang isa, tapos naiwan sa kanya yung isa. 

Eto yung kaisa-isang litrato ko:


Ang cute ko, di ba? ha ha, 3 years old yata ako dyan, o mga 5 na? Di ko masyado matandaan. Hayaan nyo't itatanong ko kay mader dear pag nagkausap kami. 

Siyanga pala, may kwento ang picture na 'yan.  Merong isang matandang lalake na madalas tumambay sa bahay namin. Siya si Tiyo Piden, ang dakilang alalay ng isang mayaman na may-ari ng mga lupain dun sa lugar namin. Doon sya sa 'min nagpapalipas ng oras habang hinihintay ang amo nya. Ganito ang madalas naming kwentuhan-kulitan:

Tiyo Piden (TP): 'Ne, haen na an ritrato mo na pangit? (Ne, nasan na yung pangit mong litrato?)
Ako (A): Yadi tabi....Dire man yadto pangit. Magayon ngani. (Nandito po. Hindi naman yun pangit, di ba? Maganda nga po eh)
TP: Dire, panget ka baga didto, pero daanis an posing mo. (Panget yun, pero maganda ang pose mo)

Repeat 10,000 times... Tapos, iiyak na ako at magpapadyak papunta sa Mama ko. hahaha. Madalas nyang hanapin ang picture na yan, at gustong-gusto nya na napipikon ako pag sinabi nyang panget.