Pages - Menu

Thursday, September 25, 2014

Alaala ng Kabataan: Tabing-Ilog, Kalabaw at Bisikleta

Hindi ba't napakasarap balik-balikan ang alaala ng kabataan? Kadalasan kasi, ang yugtong ito ay masaya, makulay at malaya. 

Mapapansin nyo sa itaas na ang titulo ang talang ito,  nagbanggit ko ang Tabing-Ilog, Kalabaw at Bisikleta. Marahil magtataka kayo kung bakit?  Iyan ay tatlo lamang sa mga importanteng lugar at bagay na may malaking kinalaman sa aking makulay na kabataan. 

Tabing-Ilog 

Ako ay lumaki sa tabing-ilog. Ayon sa kwento ng magulang ko, noong magtatatlong-taon daw ako, kinuha si Papa bilang katiwala ng isang lupain na may taniman ng palay, niyog at mayroon din mga alagang baka. Mula sa Sagap na kilala ngayon bilang Purok 5 ng Barangay Macawayan, lumipat kami doon sa sinasabi kong lugar. Hindi namin tuluyang iniwan ang bahay namin doon dahil meron kaming maliit na bahagi ng lupang sinasaka, tenant lang noon si Papa, at pagkalipas ng ilang taon ay naging sa amin na rin dahil sa Comprehensive Agrarian Reform Law. Kung hindi ako nagkakamali, 1989 noon makuha namin ang titulo ng lupang 'yun. 

Bilang pagpapatuloy ng kwento ko sa tabing-ilog, ayun nga, doon ako lumaki. May bahay kami sa gitna ng taniman ng niyog at palay. Malinis pa ang tubig sa ilog noon, masarap maligo at doon na rin kami naglalaba. Madalas ko pa nga maimbita ang mga kaklase ko sa elementary eh. Paborito naming venue ang bahay namin sa tuwing mga mga proyekto o kaya mga sayaw, dula-dulaan, o anumang dapat namin i-ensayo. At syempre, swimming muna sa ilog bago practice.  Sabik sila sa ilog eh, karamihan kasi sa kanila, nakatira malapit sa bayan, malayo doon sa ilog. 

Bago pumasok sa eskwela, kailangan namin tumawid ng ilog. Pwede rin hindi tatawid, pero malayo ang lalakarin kung doon sa konkretong tulay dadaan. Ginagawa lang namin yung kapag baha, hindi kasi carry tumawid, or else malulunod kami. Ilang beses rin ako naghabol ng tsinelas sa ilog habang tumatawid. May pagkalampa talaga ako minsan eh, minsan naman ay aksidenteng natatalisod sa bato. 

Kalabaw

Ang kalabaw ang itinuturing na farmer's bestfriend. Malaking tulong sa isang magsasaka ang kalabaw. Magiging mahirap at mas mahal ang paghahanda sa bukid sa pagtatanim ng palay at ibang produktong agrikultural kung wala kang sariling kalabaw.  Malaking bahagi rin siya sa masayang kabataan ko. Gustong-gusto ko kasi sumakay sa likod ng kalabaw o kaya naman sa karitelang hinihila ng kalabaw, karita ang tawag sa amin. Kapag nagpapastol ng kalabaw ang Papa o kaya mga kuya ko, gustong-gusto ko sumama. Nakasakay ako sa ibabaw ng kalabaw habang ito ay paikot-ikot sa damuhang bahagi ng bukid, ngumangata ng damo. Tapos kami naman ni Papa o Kuya ay nagkwekwentuhan. Sarap kaya sumakay sa kalabaw. Kayo, naranasan nyo ba iyon? Kung hindi pa, aba eh, you missed one fourth of your life hahaha. Minsan, isasama ko kayo sa probinsya namin, sakay tayo sa kalabaw, may bayad nga lang 1,000 pesos per kilometro ng naikot, hahaha joke lang. 

Bisikleta

Bukod sa kalabaw, naranasan ko rin sumakay sa malaking bisikleta. Nakalimutan ko na kung ano tawag nila dun e. Ayon pa rin sa kwento, isa raw si Papa sa kauna-unahang nagkaron ng ganung klaseng bisikleta sa bayan namin, ganito yun oh. Kulay berde yata yung ganyan ni Papa, hindi ko matandaan kung ganyan nga rin ang brand hehe. 


Diyan kami sumasakay ni Papa kapag pumupunta kami sa Sagap galing sa Lagundi.  Lagundi nga pala ang tawag doon sa may tabing-ilog, isa syang sitio ng kabilang barangay, ang Buenavista. Bagama't hindi malinaw sa akin kung hanggang ilang taon ako naisasakay ni Papa sa bike na ganun, naaalala ko rin na nagkaron ang mga kuya ko ng racer bike at BMX na sila mismo ang nag-assemble. Sa BMX na ako natuto mag-bike, Grade 3 ako noon. 

Tunay ngang napakasarap balikan ang alaala ng aking kabataan. Tara na, samahan nyo ako na balikan pa ang ibang makukulay na pangyayari ng buhay ko. Huwag rin kayong mahihiyang magkwento, i-share na ang mga karanasan nyo noong bata pa kayo diyan sa comment box sa ibaba ng post na ito. 


No comments:

Post a Comment