Pages - Menu

Monday, January 12, 2015

Bagong Taon sa Bicolandia, Pagkatapos ng Dalawang Dekada

Dalawang dekada na akong hindi nakapagdiwang ng Bagong Taon sa bayan namin. Sa wakas, natuloy din ang pinapangarap kong bakasyon. Bagama't simple lang naman ang salu-salong inaasam, wala ng mas sasaya pa sa okasyong kasama ko ang aking pamilya, lalo na si Mama. 

Ika-27 ng Disyembre, 2014, bago mag alas dose ng tanghali, pumunta na kami sa Cubao Bus Terminal.  Kasama ko ang dalawa kong anak at isang pamangkin.  Wala kaming reservation. Ang tantiya ko noon ay bandang alas-kwatro ng hapon pa kami makakasakay.  Swerte namin! Pagdating na pagdating namin sa terminal, iniwan ko muna sila sa isang bahagi roon. Sari-saring bilin, ingatan ang bagahe, at lalo na ang dalawang bata, baka magsitakbo at maligaw pa sa loob ng terminal.  Narinig ko kaagad ang isang lalake, sumisigaw ng "Bulan, Bulan! Biyaheng Bulan, aalis ng 12:30". (biyahe papuntang Bulan, Sorsogon ang tinutukoy nya, dun kami sumasakay).  Nilapitan ko agad 'yung lalake, at tinanong kung may bakante pang upuan, tatlong magkakatabi. Meron daw. Swerte! Di ako nahirapan maghanap ng bus at makipag-tawaran sa pamasahe.  750 pesos bawat isa ang pamasahe namin.  Seats number 13-15 kami. Magandang pwesto, bandang gitna lang, komportable kami sa mga sumunod na  mahigit 14 oras. 12:30pm kami umalis, 3am kami dumating sa Irosin. 

Hindi maganda ang panahon noon, madalas umuulan. Bumaha pa nga eh at nasira pa ang daan patungo sa Sitio namin. Pinagtulung-tulungan lang ng mga taga-roon na maisaayos kahit papano yung daan. Kinapos pa sa sand bags, kaya tao at single na motor lang ang pwede. Hindi makadiretso ang tricycle papunta sa amin. 




Masarap sa pakiramdam ang makita silang ganito. Tulong-tulong, Bayanihan! 

Gumanda naman ang panahon. Makulimlim pa rin pero at least di na umuulan. Nakakita pa ng rainbow ang mga anak ko, for the first time. 


wala sa picture si bunso, bagong gising kasi. wala pa sa mood magpa-picture. 

Simple salo-salo lang ang inihanda namin. Spaghetti, Tinapay, Menudo, Macaroni Salad, Graham Cake, at Orange Juice. Tawanan, kulitan, kamustahan, siesta sa tanghali. Nakilala ko pa at nakunan ng maraming pictures ang kambal kong pamangkin na ubod ng ka-cute-tan. Meron naman isang nagpamalas ng galing sa pagsayaw, mana sa Tatay nyang hari ng dance floor (baraylehan ang tawag sa dialect namin) noong kabataan nya, hahaha. 

Sulit na sulit ang sampung araw namin sa probinsya. Simple ang buhay, malayo sa kumplikadong buhay dito sa siyudad. Kaya nga di na ako magtataka kung bakit ayaw ni Mama na sa amin na tumira. Bahay ko raw kami, puro hagdan, wala pang farm... Biro nga ng asawa ko sa kanya, "Pwede naman magtanim sa gilid ng kalsada, pwede rin sa paso". :)