Pages - Menu

Tuesday, October 28, 2014

One Moment in Time

I want one moment in time
When I'm more than I thought I could be
When all of my dreams are a heartbeat away
And the answers are all up to me
Give me one moment in time
When I'm racing with destiny
Then in that one moment of time
I will feel
I will feel eternity  

Tandang-tanda ko pa ang mga linyang iyan sa kantang One Moment in Time ni Whitney Houston. Inawit 'yan ng guest speaker noong graduation rights namin noong elementary. Iniugnay nya sa awit na yan ang paksa ng aming programa. Oo nga naman!, matagumpay naming natapos ang anim na taon sa elementarya, na maituturing na unang hagdan ng edukasyon (ngayon yata pre-school or pre-elementary muna, required na kasi lalo na ngayong may K-12 na). Totoong maraming mga tagumpay at pagsubok ang mararanasan ngunit nakasalalay sa bawat isa ang katuparan ng kanyang pangarap... Edukasyon at ang pagpupunyagi sa pag-aaral ang daan upang maging matagumpay sa buhay. 

Masaya 'yung graduation namin noong elementary, mas memorable compared sa high school at college. Malinaw pa sa ala-ala ko ang mga naging bahagi ng program. My Love Will See Through ni Marco Sison ang graduation song namin. Nagkaroon ng kaunting salo-salo pagkatapos ng programa. Mapalad akong nakasama sa Top 10 ng graduates. At dahil diyan, nagluto at nagdala ng specialty nyang 'laing" ang Nanay ko. Hindi pa tapos ang kainan sa school, umalis na kami upang pumunta sa another kainan sa bahay ng valedictorian namin. Bukod sa blow-out nya, iyon na rin kasi ang despidida party nya dahil dito sa Maynila na sya nagpatuloy ng pag-aaral. 

Dahil mulat ako sa kahirapan ng buhay, hindi ko kinalimutan ang speech na iyon ng aming guest speaker, kung di ako nagkakamali eh Division Superintendent namin sya noon. Nagtiyaga akong makatapos ng high school hanggang kolehiyo at nag-attempt din kumuha ng graduate course pero di ko pa tapos hanggang ngayon, hehehe. Sabi ko kasi sa sarili ko, kung di man nakatapos ang ilan sa mga kapatid ko, sisikapin kong makapag-aral para kahit papano ay makatulong sa kanila. Hindi naman ako nabigo sa aking hangarin. Nagtagumpay naman ako. 

Hindi ako nagpatalo sa mga pagsubok. Kahit sa mahabang  panahon noong nasa kolehiyo ako, ang pakiramdam ko'y wari pinabayaan ako ng mga mahal ko sa buhay. Na mag-isa ako...Maraming salamat sa magulang ko na dahil pinaramdam nila na mahal nila ako at proud sila sa akin, sa mga kapatid ko na tumulong sa akin at sa lahat ng tao na naging bahagi ng makulay kong buhay. 


Friday, October 24, 2014

Kaisa-isang Larawan

Hindi ba't naikuwento ko na madalas kaming bisitahin ng bagyo? Madalas rin masira ang bahay namin at kasamang nasisira ang mga larawang nakalagay sa old school na baul namin noon. Kasama roon ang mga larawan ko noong bata pa ako. 

Dalawa na lang ang natitira - yung naitabi ng Ate Neneng ko taga-Novaliches na ngayon. Ibinigay nya sa 'kin ang isa, tapos naiwan sa kanya yung isa. 

Eto yung kaisa-isang litrato ko:


Ang cute ko, di ba? ha ha, 3 years old yata ako dyan, o mga 5 na? Di ko masyado matandaan. Hayaan nyo't itatanong ko kay mader dear pag nagkausap kami. 

Siyanga pala, may kwento ang picture na 'yan.  Merong isang matandang lalake na madalas tumambay sa bahay namin. Siya si Tiyo Piden, ang dakilang alalay ng isang mayaman na may-ari ng mga lupain dun sa lugar namin. Doon sya sa 'min nagpapalipas ng oras habang hinihintay ang amo nya. Ganito ang madalas naming kwentuhan-kulitan:

Tiyo Piden (TP): 'Ne, haen na an ritrato mo na pangit? (Ne, nasan na yung pangit mong litrato?)
Ako (A): Yadi tabi....Dire man yadto pangit. Magayon ngani. (Nandito po. Hindi naman yun pangit, di ba? Maganda nga po eh)
TP: Dire, panget ka baga didto, pero daanis an posing mo. (Panget yun, pero maganda ang pose mo)

Repeat 10,000 times... Tapos, iiyak na ako at magpapadyak papunta sa Mama ko. hahaha. Madalas nyang hanapin ang picture na yan, at gustong-gusto nya na napipikon ako pag sinabi nyang panget. 

Wednesday, October 15, 2014

Irosin: Pagputok ng Araw, Babaha ng Dugo...

Iyan ang titulo ng pelikulang hango sa tunay na pangyayari. Filmed entirely in Irosin, Sorsogon, starring Anthony Alonzo, Aga Muhlach, Ricky Davao at Paquito Diaz.  Ayon sa blog na aking nabasa, kasali daw  ito sa 1989 Metro Manila Film Festival. 


Hanggang ngayon, sariwa pa sa ala-ala ko ang totoong pangyayari na naging inspirasyon ng pelikulang nabanggit. Kitang-kita ng dalawang mata ko ang mga pangyayari. 

Grade 5 ako noon. Buwan ng Marso or Abril ng 1989, basta natatandaan ko, malapit na ang Recognition Day namin noon. Maaga ako ginising ni Papa... "Nene, mata na.. buhat na, kay mapag-bongto na kita, susunduon ta si Mama", sabi ng Papa ko habang ginigising ako. Dali-dali akong naghimalos at nagbihis. Naglakad lang kami papuntang bayan. 

Diretso kami sa terminal ng Philtranco, sa sentro ng bayan ng Irosin. Siyanga pala, susunduin namin nun ang Mama ko na nagtrabaho bilang assistant ng Tita ko na may carinderia sa ParaƱaque. Dala ni Mama ang damit na binili nya at isusuot ko para sa recognition day. Madaling-araw pa yun. Wala kaming kamalay-malay sa mga sumunod na pangyayari habang nasa bus terminal kami. 

Biglang nagkagulo ang mga tao sa terminal, pati na ang mga nagkakape sa katabing kainan, sa Kapihan ni Tiya Bibay. Mula sa mga tambay, nalaman namin ng nilusob para ng mga rebelde ang munisipyo namin. Itinali daw ang mga pulis. Engkwentro. Natakot kami, natakot ang Papa ko para sa kaligtasan namin. Sobrang napakalapit ng terminal sa munisipyo. Dinig na dinig namin ang putukan. Nagsitago kami sa kusina ng kapihan.
Maya-maya pa ay may mga pumasok na armadong lalake. Kinapkapan ng mga kalalakihan na kasama namin nakakubli doon sa kusina.  "Amin na ang mga ID o cedula niyo!", sigaw ng lalaki. Mabilis na kumilos ang mga lalaki kasama na si Papa. Buti na lang dala nya ang cedula nya. Wala namang nasaktan, at lumabas na ang mga armadong lalaki.  

Natatanaw namin mula sa siwang ng pinto ang mga rebeldeng sugatan na inaalalayan ng mga kasamahan nila. Doon sila sa gilid ng kapihan dumaan. Maaaring malapit lang doon nakahimpil ang sasakyan nila, kung meron man. 

Mag-aalas diyes na ng natapos ang gulo.  Umuwi na kmi ni Papa. Hindi na namin nahintay ang pagdating ni Mama na tiyempo naman na na-delay ang pagdating ng bus na sinakyan. Nasiraan yata sila sa bandang Quezon province.  Nakasalubong na namin ang bus habang naglalakad kami pauwi. 

Ilang linggo ko palagi naikwekwento yung pangyayari.  May discussion pa nga kami sa klase na maihahalintulad sa isang stress debriefing. Pinagkwento kami ng titser namin tungkol sa karanasan at saloobin ukol sa nangyari. 

Bandang September o October 1989, nag-umpisa ang shooting ng pelikukang Irosin.  Minsan pagkatapos ng klase namin, dumadaan kami sa may municipal hall kung saan ginaganap sa shooting. Nakipagsiksika kami sa mga taong nanonood din ng shooting.  Nakita namin at nakapag pa-authograph kami kina Aga Muhlach, Paquito Diaz, Anthony Alonzo at iba pang artistang gumanap sa pelikula. 

Iyan ang isa lamang sa mga natatanging karanasan ko sa bayan ng Irosin. Sana ay patuloy pa rin kayong nakaabang sa mga kwento ng aking kabataan.

Monday, October 13, 2014

Bagyo (Ikalawang Bahagi)

Kagaya ng nasabi ko, may karugtong pa ang kwento ng bagyo.  Sa dalas ng bagyo dito sa Pilipinas, marami rin akong naipong ala-ala. Basahin niyo pa ang ilan sa kwento na nangyari sa aking bayang sinilangan.

Niyog (Maraming, maraming niyog)


Kinabukasan pagkatapos ng isang malakas na bagyo, marami kaming nakitang niyog na nakakalat sa daan habang pauwi kami sa aming bahay. Nagbagsakan ang mga niyog mula sa puno nito.  Pulot dito, pulot doon ang ginawa namin. "Puroton ta ini na lobe, kay sayang", saad ng Tatay ko habang nangunguna sa paglakad. 

Pagkababa ng mga gamit namin, nag-iikot kaming tatlong magkakapatid sa likuran at unahang bahagi ng lugar na kinatitirikan ng bahay namin na noong sira-sira ang bubong dahil nga sa bagyo. Dami namin napulot na niyog. Naipon namin yun, ga-burol ang tambak ng buko at niyog sa tabi na bahay namin. Month-long celebration din ng "ginataan festival" sa bahay namin. Ibig ko sabihin ay halos araw-araw niluto sa gata ang ulam namin, hehehe. Gawa-gawa ko lang po ang ginataan festival ha, wala po yatang ganyan dito sa Pilipinas. 

Kakulangan sa Malinis na Tubig

Isa sa problema namin noon ay ang kawalan ng pagkukunan ng malinis na tubig pagkatapos ng bagyo. Kapag mataas pa ang tubig sa ilog, di kami makatawid para maki-igib sa gripo sa kapitbahay. Isa sa alternative source namin ay tubig mula sa "sagurong" o falls di kalayuan sa bahay namin. Gamit ng mga kuya ko ang pakamang (isa siyang parang kariton na hinihila ng kalabaw), sama-sama kaming tatlo (dalawang kuya ko at ako) patungo doon sa "sagurong". Pila ang mga tao na mag-iigib. Malinis naman ang tubig, pero para makasiguro, pinapakuluan namin ang  para sa inumin. 

Maulang Pagtatapos ng Batch 1994

March 1994, ala-kwatro ng hapon, nasa pila na kaming mga magsisipagtapos sa haiskul. Kasama ko ang nanay ko, naka-payong kami habang nasa pila. Masama ang lagay ng panahon e. Iyon pala may paparating na namang bagyo. Halos summer na, may bagyo pa! Sa open field lang ang graduation namin, may stage pero walang bubong ang sa audience.  Kawawa kami kapag lumakas ang ulan. Di naman na pwede lumipat ng venue, walang available na malapit sa compound ng eskwelehan.

Tumugtog na ang processional march... Lakad na kami. At nang biglang bumuhos ang napakalakas na ulan. Biglang nag-announce ang emcee. "Ipopostpone na po natin ang graduation, sobrang lakas na ng ulan. Balik tayo sa Sabado, alas-tres ng hapon". 

Pag-uwi namin, grabeee.... Taas na ng tubig sa ilog. Hinayang na hinayang ang mga kapatid ko na umuwi pa galing dito sa Maynila para saksihan ng pagtatapos ng bunso nilang kapatid. Sa taas ng tubig, pinasan na ako ng kuya ko noong tumawid kami. 

Ayos, the most memorable high school graduation ever! Tinamad na ako bumalik. Katwiran ko sa pamilya ko,  "Ayos na po ako, nakapag-papicture na kami ni Mama. May remembrance na".

_____

Bagyo sa Maynila

Dinadalaw rin ng malalakas na bagyo ang Metro Manila. Ang pinaka-natatandaan ko ang ang Milenyo at Ondoy. Nangyari ang Milenyo noong Setyembre 25, 2006. Limang buwang sanggol pa lang noon ang panganay kong anak. Kung sa probinsya ang kinatatakutan namin ay ang pagbagsak ng mga puno, dito naman ay ang paglipad ng mga yero. 

Matindi ang hanging dala ni Milenyo. Pakiramdam ko noon, mawawasak ang sliding window namin. Pasalamat na rin ako at nakapagpundar kami ng maayos at matibay na bahay. Hindi mangangamba na baka magiba o wash-out. Di rin kailangan mag-evacuate. 

Kinabukasan noon, sunod-sunod na ang balita na naghambalang sa daan ang mga nawasak at bumagsak na billboards, at mga nabuwal na puno. 

Matindi rin ang Ondoy. Maraming apektado, maraming nawalan ng tirahan at ikinabubuhay at ang masaklap pa, nawalan ng mahal sa buhay. Isa kami sa naapektuhan ng Ondoy. Magdamag noong Setyembre 25, 2009 (Biyernes) at buong araw ng Sabado, Setyembre 26 ay walang tigil ang ulan. Ulan na malalaking patak. 

Naka-enroll ako noon sa masteral. Gising ako hanggang 3 ang umaga para sa sangkaterbang reaction papers para sa isang subject ko. Dinig na dinig ko ang patak ng ulan sa bubong namin.  May mga lugar na sa kabahayan ang basa na. Natapos ko ang paper ko mga bandang 9:00 ng umaga. Naka-ready na sana akong pumasok. Balak ko sana makipagsapalaran sa baha, para lang marating ang UP Diliman, makadalo sa klase at maipasa ang reaction paper ko. Nakatanggap ako ng text message sa isang kaklase na di na sya makakapasok, wala na madaanan ang mga sasakyan. Nagpasya na rin ako na huwag pumasok. 

Bahang-baha sa Kalentong noon. Baha sa tapat ng bahay namin. Pumasok ang tubig sa bahay namin. Buti na lang may 2nd at 3rd floor ang maliit  naming bahay. 

Nakakaawa ang mga taong naapektuhan ng husto, kabilang na ang mga nakatira sa bandang San Mateo, Rizal at Marikina. 

Milenyo at Ondoy... ilan sa mga natatandaan kong malalakas na bagyong nanalasa sa Kamaynilaan.

_____

Bagyo ng Buhay

Bilang isang probinsyana, mahirap makipagsapalaran dito sa Maynila.  Maraming pagsubok, maraming bagyo akong pinagdaanan.  Napadpad ako sa Makati, taong 1994, 17 taong gulang ako noon. Bata pa, halos walang muwang. Saglit akong nagtrabaho bilang assistant sa isang tindahan ng imported wines at kung ano ano pa. 

Nang mabalitaan ng isang kamag-anak namin na nagtatrabaho ako doon, ipinasundo nya ako. Sa kanila ako tumira. Doon na nagsimula ang mahaba at makulay kung kwento na ibabahagi ko sa inyo sa mga susunod na pagkakataon. 

Mahirap mag-aral ng kulang sa budget di ba? Sunod-sunod ang problema ko noon. Third year college ako.   Halos panawan na ako ng pag-asa. May sakit si Papa, gusto ko umuwi, walang pera.  Daming school projects, di ko matapos-tapos, walang pera...Sabi ko ayoko na... uwi na lang ako sa amin. Hihinto na ako. Pero kinokontra ng isip ko, sayang... sayang, isang taon  na lang, makakaraos na. Dagdag pa nun ang tampuhan namin ng Tita ko.

Sa sobrang depression ko, mahigit isang linggo akong nagkulong sa kwarto. Halos di ako lumalabas, di rin nagsasalita.  Halos di rin kumakain. Iyak lang ako ng iyak at madalas tulala. 

Hanggang sa kinausap ako ng Tito ko (asawa ni Auntie), sa kanya ko inihinga ang problema ko. Pinalakas nya ang loob ko.  Buti na lang natauhan ako, kasi kung hindi... dalawang bagay lang ang nangyari. Umuwi ako ng probinsya ng hindi nakatapos ng pag-aaral o di kaya'y na-mental hospital sa tindi ng depression na pinagdaanan. 


Iba't ibang uri ng bagyo, sari-saring kwento. Iyan ang mga bagyong dumaan sa buhay ko. 






Essay, Slogan at Empanada

Bata pa lang ako mahilig na akong magbasa at magsulat. Saulado ko pa nga noon ang ilang istorya sa mga libro, lalo na noong Grade 1.

Parang ganito 'yun o:

Henny penny is a hen. Henny penny is a red hen...blah blah blah...

Isa sa paborito kong laro ang titser-titseran. Kadalasan, ako teacher ng mga kaibigan ko at ibang kalaro na mas maliliit sa amin. Mas advance daw kasi ang turo sa central school kumpara dun sa barangay namin. Madalas na subject, English - spelling at kung ano ano pa. 

Dahil sa hilig ko nga sa pagsusulat, ako ay naging:

Sports Writer ako sa The Rice Bowl, ang opisyal na lathalain ng Irosin Central School;
Contributor naman sa The Inlander, ang newsletter ng Gallanosa National High School. Gold medalist ako sa Science and Technology Week Slogan Writing Contest noong second year ako. Sumasali rin ako sa mga essay-writing contest. 

Noong college hmmm, never mind. Hindi ako naging aktibo sa pagsali sa mga ganyan. Mas aktibo ako noon kung paano makatulong sa Tita kong nag-nenegosyo noon, taga-bantay ng canteen sila sa mga school. Abala rin ako sa pagtulong sa kanya sa paggawa ng da best nyang Empanada. Working student kasi ako noon at struggling scholar ng Makati. Kailangan kumayod para may pambaon, at kailangan din mag-focus sa academics kasi may mini-maintain na grade para di matanggal sa pagka-scholar. Nakalimutan ko pansamantala ang hilig ko sa pagsusulat. Nakagawa pa rin naman ako ng maayos na Speech para sa Oral Communication subject namin, plus yung speech ng kaklase ko. Yes, iginawa ko sya ng speech, ang kapalit, renta sa computer shop para mai-encode at print ko ang sarili kong project. Wais di ba? Noon pa man, pinagkakitaan ko na ang pagsusulat. 

Aha, kahit di pala ako writer sa unibersidad namin, writer din pala ako sa newsletter ng scholar's organization. Feature Writing ang drama ko noon. Na-interview at na-feature ko ang adviser ng scholars, si Ate Nitz, na nasa US of A na ngayon. 

Sa propesyon naman, sa halip na maging programmer, naging tagapagsulat ako. Monitor ng projects dito, evaluate ng programs doon. Madalas nagsusulat ng mga reports, mga research at kung ano ano pang nangangailangan ng talento sa tamang spelling at grammar. 

Libangan ko ang mag-blog at magbasa ng blog. Kaya nga, meron ako nitong Talaang Buhay eh, na kasalukuyan mong binabasa. Maaari mo rin bisitahin ang isa kong pang personal blog na Uncomplicated, na naglalaman ng kwento ko bilang asawa, ina, manunulat at bilang isang kawani ng pamahalaan. 

Hanggang sa muli, maraming salamat! 






Friday, October 10, 2014

Bagyo

Walo hanggang sampung beses binibisita ng bagyo ang bansang Pilipinas. Napakadalas, hindi ba? Ang probinsiya namin ay isa sa pinakamadalas na binabagyo. Napakarami ko rin karanasan sa bagyo noong nandoon pa ako, eh 17 years old na ko noong umalis ako sa amin eh. Iba ang bagyo sa Bicol sa bagyo rito sa Maynila. Damang-dama ang lakas at epekto ng bagyo doon, swabe lang dito sa Maynila. Pinaka-grabe na siguro yung Milenyo at Ondoy.

Noong bata ako, ilang beses nagiba at na-wash out ng baha ang bahay namin. Ilang beses kami lumikas at nakitulog sa ibang bahay. Makapagkwento nga ng iba't-ibang scenarios.

Takbo, Dali Takbo! (sa Makikitid na Pilapil)

Dahil sa dami nga ng bagyo hindi ko na matandaan ang mga pangalan. Isang beses, medyo late na namin napagtanto na kailangan namin lisanin ang barong-barong. Palakas ng palakas ng ulan at hangin. Na-alarma na mga magulang ko. Lima kaming magkakapatid yata ang magkakasama noon. Nagsisipagtrabaho na dito sa Maynila ang mga nakatatandang kapatid namin. Kaming mga estudyante na lang ang kasama nila Mama at Papa, at yung isang kuya ko pala. Nagpasya na kaming lumikas. Naibalot na ni Mama at ate ko yung mga gamit naman sa malalaking plastic. Nai-secure na ni Papa ang bahay namin, itinali ang mga haligi sa puno ng niyog gamit ang lubid na panali sa kalabaw. Nakahanda na rin kami, armado ng jacket, sombrero o kaya bonnet. "Dalian nato pagpakadto kara Papay Willy niyo, dapat kanina na atab pa palan kita naghali sa balay", sabi ng nanay ko. "Lando, ikaw na mag-alalay Nene". Ako ang tinutukoy niyang Nene.

Lakad takbo kami, pero maingat na nilakbay ang palayan, sa makikitid nitong pilapil. Pero pag minalas, nahuhulog pa rin sa mabababaw na kanal, sa putikan. "Malanit na an braso ko, makusugon na an uran", reklamo ko. Masakit talaga sa balat ang patak ng ulan na dinadala ng malakas na hangin.

Sa wakas narating na rin namin ang malaki at konkretong bahay ng may-ari ng lupang tinitirhan namin. Magdamag kaming nakitulog sa kanila kasama ang iba pang evacuees. Kahit medyo baha sa basement ng bahay nila okey naman, safe na safe naman kami. Binalikan ng Tatay ko at mga kuya ko ang bahay namin kinabukasan. Wala na, giba na ang bahay namin. Kailangan na naman ng pambili ng pawid o nipa, ng kahoy at iba pa para maitayo ulit ang maliit naming bahay. Ilang araw na naman kailangang kumayod ng Papa ko.

Kahit na ganon kami, paulit-ulit na itinutumba ng bagyo ang bahay at kabuhayan, nakakabangon naman. Lumaki naman kaming malulusog. Honor pupil pa rin naman ako pagdating ng pagtatapos ng school year, hehe.

Bahay namin (Upside Down)

Elementary pa lang ako noon. December 24, birthday ni Papa. Masama ang lagay ng panahon. Samaktuwid, may bagyo na naman. Maaga kaming natulog pagkatapos ng munting salu-salo bilang paggunita sa araw ng kapanganakan ng aming padre de pamilya. Ayan na ang ulan...Handa na naman ang nanay at tatay kong champion in disaster preparedness. Nakahanda na ang malaking blanket na bigay ng Tito Jun kong nagsa-Saudi noon. Malaki yung blanket, kasya kaming lahat. I mean lahat kaming kasalukuyang magkakasama noong gabing iyon. May something sa blanket na yun, hindi tumatagos ang tubig, naiipon lang sa laylayan habang nakatalukbong sa 'ming lahat. Tuloy-tuloy ang ulan, malakas at may kasamang hangin... Umuuga uga ang bahay. Nakatulog pa rin kami ng mga kapatid ko, pero hindi siguro ang mga magulang ko, maingat nila kaming binantayan.

Laking gulat namin nung mag-umaga na. Ang inuupuan pala namin ay bubungan na ng bahay. Paano nangyari. Ang namin na may silong, nabunot ang mga haligi! Bumaligtad!

Tulong-tulong ulit ang pamilya na maitayo ang bahay namin. Dahil sa bata pa nga ako, hindi ko namalayan, maayos na ulit ang bahay namin.


Itutuloy...



Thursday, October 2, 2014

High School Life: Loveletter, Tootsie Roll at JS Prom

Naranasan niyo bang magka-crush, niligawan o nanligaw noong high school? Siguro naman oo ang sagot niyo, ano?  Anong style ng panliligaw? Paano pag torpe si guy? Paano pag pakipot  o suplada si girl?

Ako, hindi masyado. Suplada kasi ako noon eh at saka takot ako sa mga magulang ko.  Kahit na kakaunti lang ang maibabahagi ko sa inyo, hayaan niyo pa rin akong magkwento. Second year ako noong unang akong nakatanggap ng sulat mula sa isang kaklase. Hiniram niya ang notebook ko tapos pagbalik nya, may maikling loveletter sa likod. Aba, nagtipid pa sa papel, sa notebook ko pa mismo nagsulat! At dahil suplada nga ako, hindi ko naman yun pinansin. Kahit siya nga rin mismo eh, di rin tuwirang masabi na gusto niya ako, pinapasabi lang sa mga kaklase ko. Mas malimit na nauuwi na lang sa asaran. Minsan, nagbigay rin siya ng isang balot ng tootsie roll chocolates, old school di ba? pero sa takot ko na iuwi ang isang balot ng chocolate na iyon, baka tanungin ako ng magulang ko kung kanino galing o kaya asarin ako ng mga kuya ko, pinamigay ko na lang sa mga kaklase ko.  Natapos ang school year,  hindi nagtagumpay ang panliligaw niya. Batang-isip pa siguro ako noong mga panahon iyon.

Third year high school, practice ng JS Prom sa Irosin Public Auditorium. Lumapit yung kapatid ng asawa ng ate ko, gusto daw magpakilala sa akin ng kaklase niya.  Siguro yun lang naman ang tanging paraan para magpaalam siya na maging prom date niya ako. Wala pa namang celphone noon, mas lalong wala pang Facebook at Twitter di ba? Samantalang ngayon, uso na ang panliligaw gamit ang makabagong teknolohiya. Hindi nga ba't sa Twitter nag-umpisa ang pag-iibigan noon nina Angel Locsin at Phil Younghusband? hahaha showbiz!

Taga-ibang section 'yung lalakeng nakilala ko sa prom at nagpatuloy na nanligaw hanggang 4th year. Hindi rin nagtagumpay hanggang sa umalis na ako sa amin para magpatuloy ng kolehiyo dito sa Maynila.