Pages - Menu

Sunday, September 28, 2014

Bawal ang Pikon

Tahimik lang ako noon. Hindi pala-kibo, malalim. Palakaibigan din naman ako pero mahina ako sa asaran portion. In short, pikon. 

Isang araw, ang buong klase namin, Grade 3-Venus ay inutusan ng aming teacher na maglinis sa isang bahagi ng malawak na baseball field ng school.  Ang bilin, tanggalin namin ang matataas na damo na tumutubo sa gitna ng mga carabao grass, at pulutin ang kalat at mga tuyong dahon. Hindi pa gaanong talamak ang paggamit ng lawn mower noon. Meron naman yatang isa sa school namin pero bahagi pa rin ng gawain naming mga estudyante ang pagbubunot ng foreigner na damo sa gitna ng carabao grass. 

Habang naglilinis, panay ang pang-aasar sa akin ng kaklaseng kong lalake. Itago na lang natin siya sa initial na F. Sa sobrang inis ko, pinulot ako ng maliit na bato at ibinato ko sa kanya. Hindi ko napansin, nakayuko pala siya nun. Tinamaan siya sa ulo at napasigaw. Sumbong ke Ma'am. Lumapit si Ma'am at mga kaklase namin. Ayun, dumugo ang ulo nya.

Natulala ako sa takot. 

Kinabukasan, sumugod sa school ang lola ni F at pinagsabihan ako. Bakit ko daw binato si F. "Eh pano po, nag-aasar siya", depensa ko. Nag-sorry ako, at nag-sorry din si F. 

Simula noon, okey naman kami bilang magkaklase. Sabagay, tropa naman talaga kaming magkakaklase mula elementary hanggang high school. Isa siya sa naging miyembro ng tinawag naming "Boys at the Back" noong high school. 




Thursday, September 25, 2014

Alaala ng Kabataan: Tabing-Ilog, Kalabaw at Bisikleta

Hindi ba't napakasarap balik-balikan ang alaala ng kabataan? Kadalasan kasi, ang yugtong ito ay masaya, makulay at malaya. 

Mapapansin nyo sa itaas na ang titulo ang talang ito,  nagbanggit ko ang Tabing-Ilog, Kalabaw at Bisikleta. Marahil magtataka kayo kung bakit?  Iyan ay tatlo lamang sa mga importanteng lugar at bagay na may malaking kinalaman sa aking makulay na kabataan. 

Tabing-Ilog 

Ako ay lumaki sa tabing-ilog. Ayon sa kwento ng magulang ko, noong magtatatlong-taon daw ako, kinuha si Papa bilang katiwala ng isang lupain na may taniman ng palay, niyog at mayroon din mga alagang baka. Mula sa Sagap na kilala ngayon bilang Purok 5 ng Barangay Macawayan, lumipat kami doon sa sinasabi kong lugar. Hindi namin tuluyang iniwan ang bahay namin doon dahil meron kaming maliit na bahagi ng lupang sinasaka, tenant lang noon si Papa, at pagkalipas ng ilang taon ay naging sa amin na rin dahil sa Comprehensive Agrarian Reform Law. Kung hindi ako nagkakamali, 1989 noon makuha namin ang titulo ng lupang 'yun. 

Bilang pagpapatuloy ng kwento ko sa tabing-ilog, ayun nga, doon ako lumaki. May bahay kami sa gitna ng taniman ng niyog at palay. Malinis pa ang tubig sa ilog noon, masarap maligo at doon na rin kami naglalaba. Madalas ko pa nga maimbita ang mga kaklase ko sa elementary eh. Paborito naming venue ang bahay namin sa tuwing mga mga proyekto o kaya mga sayaw, dula-dulaan, o anumang dapat namin i-ensayo. At syempre, swimming muna sa ilog bago practice.  Sabik sila sa ilog eh, karamihan kasi sa kanila, nakatira malapit sa bayan, malayo doon sa ilog. 

Bago pumasok sa eskwela, kailangan namin tumawid ng ilog. Pwede rin hindi tatawid, pero malayo ang lalakarin kung doon sa konkretong tulay dadaan. Ginagawa lang namin yung kapag baha, hindi kasi carry tumawid, or else malulunod kami. Ilang beses rin ako naghabol ng tsinelas sa ilog habang tumatawid. May pagkalampa talaga ako minsan eh, minsan naman ay aksidenteng natatalisod sa bato. 

Kalabaw

Ang kalabaw ang itinuturing na farmer's bestfriend. Malaking tulong sa isang magsasaka ang kalabaw. Magiging mahirap at mas mahal ang paghahanda sa bukid sa pagtatanim ng palay at ibang produktong agrikultural kung wala kang sariling kalabaw.  Malaking bahagi rin siya sa masayang kabataan ko. Gustong-gusto ko kasi sumakay sa likod ng kalabaw o kaya naman sa karitelang hinihila ng kalabaw, karita ang tawag sa amin. Kapag nagpapastol ng kalabaw ang Papa o kaya mga kuya ko, gustong-gusto ko sumama. Nakasakay ako sa ibabaw ng kalabaw habang ito ay paikot-ikot sa damuhang bahagi ng bukid, ngumangata ng damo. Tapos kami naman ni Papa o Kuya ay nagkwekwentuhan. Sarap kaya sumakay sa kalabaw. Kayo, naranasan nyo ba iyon? Kung hindi pa, aba eh, you missed one fourth of your life hahaha. Minsan, isasama ko kayo sa probinsya namin, sakay tayo sa kalabaw, may bayad nga lang 1,000 pesos per kilometro ng naikot, hahaha joke lang. 

Bisikleta

Bukod sa kalabaw, naranasan ko rin sumakay sa malaking bisikleta. Nakalimutan ko na kung ano tawag nila dun e. Ayon pa rin sa kwento, isa raw si Papa sa kauna-unahang nagkaron ng ganung klaseng bisikleta sa bayan namin, ganito yun oh. Kulay berde yata yung ganyan ni Papa, hindi ko matandaan kung ganyan nga rin ang brand hehe. 


Diyan kami sumasakay ni Papa kapag pumupunta kami sa Sagap galing sa Lagundi.  Lagundi nga pala ang tawag doon sa may tabing-ilog, isa syang sitio ng kabilang barangay, ang Buenavista. Bagama't hindi malinaw sa akin kung hanggang ilang taon ako naisasakay ni Papa sa bike na ganun, naaalala ko rin na nagkaron ang mga kuya ko ng racer bike at BMX na sila mismo ang nag-assemble. Sa BMX na ako natuto mag-bike, Grade 3 ako noon. 

Tunay ngang napakasarap balikan ang alaala ng aking kabataan. Tara na, samahan nyo ako na balikan pa ang ibang makukulay na pangyayari ng buhay ko. Huwag rin kayong mahihiyang magkwento, i-share na ang mga karanasan nyo noong bata pa kayo diyan sa comment box sa ibaba ng post na ito. 


Wednesday, September 24, 2014

Pagpapakilala

Ako ay si Rowena Balderama Sotto-Zaballa, bunsong anak nina Arnoldo Sotto, isang magsasaka, at Ester Balderama na isang wonder nanay. Si Mama kasi hindi sya ordinaryong housewife lang, marami syang alam na hanapbuhay. Siya ay mananahi, naging fish vendor sa aming barangay at sari-sari store owner din. Ako nga pala ay ipinanganak noong Mayo 24, 1977 sa Purok 5, Macawayan, Irosin, Sorsogon. Layo ng dako ng kapanganakan ko, ano? bandang dulo yan ng lalawigan ng Sorsogon sa rehiyon ng Bikol. Ako ang galing sa malaking pamilya, siyam kaming magkakapatid. Limang matitikas na lalake at apat na magagandang babae, hahaha. Ngunit subalit, datapwat, pinagpapahinga na po ang dalawang kuya ko, yung panganay at pangalawa, pati na rin si Papa. Sa kasalukuyan, mahigit 30 na ang pamangkin ko, may mga apo na nga ako sa pamangkin e, in short Lola na ako hahaha.

Ang mga magulang at nakatatandang kapatid ko ang nagsilbing mga unang guro ko. Tinuruan nila ako magbasa at magsulat bago ako tumuntong sa unang baitang. Hindi pa kasi uso noon ang pre-school eh. Hindi kagaya ngayon na kabi-kabila na ang mga paaralan ng mga bulilit na may edad 5 na taon pababa. Nag-aral ako ng elementarya sa Irosin Central School at nag-high school sa Gallanosa National High School, na kapwa matatagpuan sa aming bayan. Section 1 ako mula Grade 1 hanggang Fourth Year. Consistent, bright kid, ano po? di naman, slight lang, honor student din naman paminsan minsan hehehe.

Hindi kaagad ako nag-kolehiyo pagkatapos, pahinga muna ng isang taon pagka-graduate sa high school. Kulang kami sa budget at dahil sa maarte ako, umayaw ako nung sinabi ni Papa na doon na lang ako sa eskwelahan sa bayan, pinag-eenroll  ako ng vocational course. Pangarap ko na talaga na dito sa Maynila mag-kolehiyo. At pangarap ko rin maging iskolar.

Kaya, bandang Agosto ng taong 1994, nilisan ko ang aming bayan. Inihatid ako ng magulang ko dito sa Maynila, este sa Laguna muna, dun sa mga tita ko. Ilang buwan din pinag-isipan kung saan ako magkokolehiyo kung dun ba sa San Pedro, Laguna o dito mismo sa kalakhang Maynila.

Setyembre 1994, niyaya ako ng kaibigan ng ate ko magtrabaho sa Makati. Pumasok ako bilang tindera sa isang wine shop, sa edad na 17. Saglit lang ako dun. Noong nabalitaan kasi ng pinsan ni Papa, na taga-Makati rin, na nagtatrabaho ako, gusto nya akong kunin, ampunin muna kumbaga. Pinasundo ako sa isang kasamahan nila sa bahay na kababayan rin namin. Dun na nagsimula ang mahaba at challenging na buhay ko bilang working student.

Nagtapos ako ng Bachelor of Science in Information Technology sa University of Makati (Pamantasan ng Makati) noong 1999. Pagkatapos ng graduation, halos nalibot ko ang buong Makati sa paghahanap ng trabaho. Mahirap maghanap ng trabaho. Isang taon din akong tambay. Nagkataon pa na namatay si Papa nung March 2000, kaya kinailangan ko munang umuwi sa amin at samahan ang aking pamilya lalo na si Mama. Nanatili ako dun ng mahigit isang buwan. July 2000, pinalad akong matanggap bilang empleyado ng Makati City Hall at hanggang ngayon nasa City Hall pa rin ako.

Taong 2003 nung makilala ko ang aking napakabait na asawa. Nagpakasal kami noong Agosto 2005 at biniyayaan ng dalawang anak, isang babae at isang lalaki. Si Thea ay walong taong gulang at si Yohan naman ay tatlong taong gulang.

Iyan ang kwento ko, sana subaybayan niyo pa ang mga susunod na kabanata. 








Tuesday, September 23, 2014

Ito ang Talaan ng Buhay Ko

Maligayang pagdating sa pinakabago kong tahanan dito virtual world. Ito ang Talaang-Buhay ko.

Sa halip na talambuhay (biography), naisip kong bigyan ng konting twist ang titulo ng blog ko. Ang talaang-buhay ay binubuo ng dalawang pinagsamang salita.   Sa wikang Filipino, ang blog o web log ay literal na talaan (log) sa web.  Ang pangalawang salita naman ay buhay (life). Isasalysay ko sa blog na ito ang  mga kwento ng buhay ko, mga gunita mula sa aking pagkabata hanggang sa kasalukuyan.

Minabuti kong isulat ang blog na ito sa wikang Filipino dahil sa palagay ko mas malaya akong makakapagkwento gamit ang sariling wika ko.  Gagamit rin siguro ako ng ibang dialekto kagaya ng Bikolano paminsan-minsan.

Alam ko na mahirap magkwento ng tungkol sa ating buhay lalo na hindi lahat ng pangyayari ay maganda na karapapat-dapat natin gunitain ng paulit-ulit. Ngunit ako ay naglakas-loob na ibahagi sa inyo ang iba’t-ibang serye ng aking karanasan. Ang makulay na kabataan (childhood) ko sa rural na komunidad at ang mapaghamong (challenging) buhay ko dito sa Maynila, isang pamayanang urban.


 Abangan ang unang serye ng aking mga kwento.