Pages - Menu

Friday, November 14, 2014

Biglaang Pag-alis sa Bayang Sinilangan

Agosto ng taong 1994, nagkaroon ng matinding pagsubok sa buhay namin. Nagkaproblema ang isang kapatid ko at kinailangan muna siyang ilayo sa kanyang mga barkada. Nagpasya ang mga magulang ko na ihatid siya sa San Pedro, Laguna kung saan nakatira ang mga tiyahin ko. Doon rin nagtatrabaho ang panganay naming kapatid. 

Nakahanda na sila Mama at Papa at ang kuya ko. Naka-schedule na ang araw at oras ng alis nila. Maiiwan kami ng ate ko at ang baby na na nooy' isang taon gulang pa lang yata. Ngunit may isa pang silang problema, delikado daw sa amin lalo na sa gabi... 

"Nano daw kun iupod ta na lang si Nene?" (Isama na lang kaya natin si Nene?) Iyan ang tanong ni Mama kay Papa. At ganun na nga ang nangyari. Biglaan, wala sa orihinal na plano. Isinama nila ako. 

Ilang araw mula nung maiayos ang mga kailangan, sabay-sabay na kaming apat na umalis tungo sa Alabang sakay ng Philtranco bus. Mula sa Alabang ang sinundo na kami ng mga kamag-anak namin at pumunta sa bahay ng tita ko sa San Pedro (Laguna). 

Natigil sa pag-aaral ang kuya ko. Sayang 4th year high school na sana sya nun. Bagama't nahuli na sa akin ng isang taon, ga-graduate na sana. 

Ilang linggo din kami namalagi sa Laguna at dumalaw din sa ibang kamag-anak na nakakalat sa Metro Manila at Cavite. Hanggang sa isang araw, niyaya ako ng kapitbahay namin sa Bicol na magtrabaho sa pinapasukan nyang tindahan ng imported na mga alak sa Makati. 17 years old lang ako nun. Napapayag naman niya sina Mama at mga kapatid ko. 

Stay-in kami sa bahay ng amo namin sa Zapote St., Makati at ang tindahan naman ay walking distance lang mula sa tinutuluyan namin. Hindi naman ako nagtagal dun. Di ko nga maalala kung nabayaran ba ng maayos ang sweldo ko dun. Pinangakuan sana ako ng pag-aaralin ng kapatid ng boss namin pero di pumayag ang magulang ko. Baka alipinin daw ako. 

Bago ako umalis sa trabahong iyon, natunton kami ng mga kapitbahay namin na dun lang pala nakatira malapit sa tindahan. Napadalas ang pagdalaw nila. Kwentuhan, kumustahan at kung minsan nanonood sila ng sine. Syempre di ako pwede sumama, mawawalan ng bantay sa tindahan. Isang araw, kasama nila yung kamag-anak namin na nakatira sa bahay ng pinsan ni Papa. Ipinaalam nya dun sa Tita ko na nagtatrabaho ako dun at gusto ko raw mag-aral ng kolehiyo. Malakas ang fruit shake business ng Tita nung mga panahon iyon. Bago pa sumikat ang Zagu, marami na silang tindahan ng shake - sa mga elementary school sa Makati. Hindi ko na matandaan kung ilang beses ako sinuyo nung kamag-anak namin na sumama na sa kanya. Makakasama ko nga raw sya na magbabantay ng canteen. Hanggang sa isang araw sinundo na nya ako at isinama na kina Auntie. 

Gabi nya ako sinundo nun. pagkatapos ko magpaalam ng maayos sa boss ko. "Magayun-gayon ngay-an ini na puto ni Manoy Arnol", bungad ng Tita ko pagdating namin. Maganda daw ako, ang bunsong anak ni Kuya Arnol or Nolding hehehe. 

Doon na nagsimula ang mahigit sampung taong pamamalagi ko kina Auntie. October 1994 ako dumating at August 2005 naman umalis, ilang araw pagkatapos ng kasal ko. Sa tulong nila, nakapasok ako sa University of Makati bilang scholar. Gusto ko sana sa PUP, BS Journalism ang course. Ngunit kagaya ng nakagawian, may mga kontrabida hihihi. Sabi ng pinsan kong propesor, mahirap ang journalism. Wala kang kita hanggat walang dyaryong tumatanggap sayo bilang taga-sulat ng balita. Tanong ko lang Ganun ba talaga yun, mga peepz? Computer Science daw ang in demand, so yun na lang ang kunin ko. Sabi naman ng Nanay ko delikado dyan anak, tapos tatawid ka pa ikamo ng Ilog Pasig. Oo nga naman, di pa ba ako nagsawa sa kakatawid sa ilog eh , quotang-quota na ako dun nung nasa Irosin pa ako. hahaha. O sya sige. panalo na kayo, di na lang sa PUP. Nag-volunteer itong si propesor kong pinsan na samahan akong mag-exam for scholarship dun sa kolehiyong tinuturuan nya sa San Pedro. Nag-exam ako, pumasa ngunit di pa rin ako nakuntento. Pangarap ko kasi dito sa Maynila mag-aral. Pinalad naman akong pumasa sa University of Makati bilang iskolar at ComSci nga ang course.... Sabi pa pala ng mga boarders ni Auntie na mga accountant sa SGV noon, mag Accountancy na lang ako... Kaso walang ganun course sa UMak. Saka sabi ko mahina ako sa Math, pero sabi nila hindi daw kumplikado ang Math sa Accountancy. Totoo nga! Di hamak na mas matindi ang Math subjects ng CompSci. Nose-bleed ako nun, sobra. Sana nag-Engineering na lang ako. Hindi bale na nga, pinagtiyagaan ko na lang. Naitawid ko naman, naka-graduate naman. 

Sa hirap maghanap ng trabaho dito sa atin, isang taon munang akong bum. Paraket-raket, habang naghihintay ng resulta sa mga pinag-applyan. Naranasan ko pang magtutor sa mga Koreanong nag-aaral ng tamang pangsasalita ng English. Pero kulang ako sa tiyaga sa pagtuturo, kaya di rin ako tumagal. 

Nasa kasagsagan ako ng paghahanap ng trabaho. For medical exam na ako sa SGV for a Project-based job nang makatanggap ako ng nakapalungkot na balita. March 13, 2000, mag-aalas siyete ng umaga, nakatanggang ako ng long distance mula sa amin. Tumawag ang Ate ko, wala na raw si Papa...Kinabukasan nun ay schedule ng medical exam ko na requirement sa SGV. Sa halip na hospital, sa terminal ng bus sa Cubao ako pumunta. Mahigit isang buwan ako namalagi sa amin.

Sari-saring kwento, magkakahalong emosyon ang narinig at naramdaman ko. "Makita ko lang ang bunso kong babae, kahit mawala na ako". Iyan daw ang bukambibig ni Papa nung may sakit na sya. Sa picture nya lang ako nakikita nung mga panahon na iyon. Anim na taon kami hindi nagkita at nung makita ko'y huli na, di na makakausap at mayayakap pa. Huling pagkikita na pala namin yung paghatid nila ni Mama sa amin ng kuya ko sa Laguna. Huling bonding na pala namin namin yung pagdalaw sa mga kamag-anak lalo na sa Ate Neneng ko. Naalala ko pa kung pano namin sya pagalitan nung nanigarilyo sya sa loob ng aircon bus.

July 2000 ako nag-umpisa sa totoong trabaho na siya pa ring trabaho ko hanggang sa kasalukuyan. 






2 comments:

  1. Nakakalungkot iwanan ang sinilangan bayan pero mas nakakalungkot kung ikaw na ang iiwan ng mahal mo.. Sad man ang ending ng post pero nakakatuwa ang mga pinagdaanan mo... sobrang memorize mo lahat hehe..

    ReplyDelete